Ngaun ay Agosto. Napagtanto ko na lamang na ang buwang ito ay Buwan ng Wika, kung kailan naman matatapos na ang buwan ay saka ko lamang naisip. Sumagi sa aking kamalayan, na noong ako'y nasa elementarya at mataas na paaralan, tuwing sasapit ang buwan ng Agosto ay mayroong mga patimpalak at mga serye ng palabas na nagaganap sa aming paaralan. Sa pagdiriwang na ito, hindi maaaring hindi ako kabilang sa mga lumalahok sa mga tunggalian gaya ng sabayang bigkas, tula, sayaw, at kung anu-ano pang mga paligsahan na kaugnay sa nasabing okasyon. Kailangan kasali ako. Matrabaho ang mga araw bago sumapit ang buwan na ito at ang mismong buwan para sa amin bilang magaaral. Mahabang preparasyon at masusing pageensayo ang mga nagaganap. Ang pinaka-hindi ko malilimutang pangyayaring naganap sa akin bilang magaaral na kaugnay sa mga paligsahan sa Buwan ng Wika ay noong nasa ika-apat na taon ako sa mataas na paaralan. Buong klase namen ang napiling lumahok sa isang patimpalak sa labas ng aming paaralan. Mga ilang araw na din ang aming ginugol sa pageensayo para sa Sabayang Bigkas na ito. Ngunit sa mga araw na iyon ay walang nakikitang pag-unlad ang aming guro. Hindi ko maintindihan kung anong nangyari sa amin ng mga panahong iyon. Marahil ay masyado kaming magugulo at walang pagkakaisa. Kaya sa kasamaang-palad, binawi ng aming guro sa Filipino ang pagkakataong maipanlaban ng aming paaralan. Bagkos, ibinigay ito sa Unang Pangkat sa Ikatlong Taon. Laking panlulumo ng aming pangkat sa naganap na iyon. Ngunit wala kaming magagawa dahil wala sa amin ang desisyon. Mayroon din namang nasiyahan, at iyon ay ang mga kamag-aral kong walang interes sa mga patimpalak dahil nakikita nilang ito ay nakakainip at walang saysay. Pero para sa akin, malaking kawalan iyon. Sa kabila ng pangyayaring iyon, madami din naman akong mga masasayang alaala sa mga pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
Bakit nga ba Agosto ang napiling Buwan ng Wika? Dahil ito sa ginawang Proklamasyon Blg. 1041 ng dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Ang Pambansang Bayani Gat Jose Rizal |
Sa Aking Mga Kabata
Kapagka ang baya'y sadyang umiibig
Sa kanyang salitang kaloob ng langit,
Sanglang kalayaan nasa ring masapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.
Pagka't ang salita'y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo't mga kaharian,
At ang isang tao'y katulad, kabagay
Ng alin mang likha noong kalayaan.
Ang hindi magmahal sa kanyang salita
Mahigit sa hayop at malansang isda,
Kaya ang marapat pagyamaning kusa
Na tulad sa inang tunay na nagpala.
Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin
Sa Ingles, Kastila at salitang anghel,
Sapagka't ang Poong maalam tumingin
Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.
Ang salita nati'y huwad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra,
Na kaya nawala'y dinatnan ng sigwa
Ang lunday sa lawa noong dakong una.
Ang tulang ito ang paboritong kong tula na nilikha ng ating pambansang bayani noong kabataan niya. Sa murang gulang ay nagawa niyang gumawa ng isang tula na pumupukaw sa kamalayan ng mga Filipino sa paggamit ng sarili nating wika. Ito din ang nagpanalo sa akin sa isa sa mga patimpalak sa pagbigkas ng tula na aking nilahukan noong ako ay nasa Unang Pangkat sa Mataas na Paaralan.